Approx. reading time:
Noong unang panahon, naglakbay ang mga Romano sa mga lupalop na hindi pa naiguguhit sa anumang mapa. Ang dami nilang ginawa doon. Aside from the usual conquering, pillaging, at paghuli ng mga tao para gawing mga alipin, nakaengkuwentro sila ng maraming mga hayop na never pa nilang nakita up to that point.
Isa dito ang dambuhalang hayop, mabilis, ilahas, agresibo, halos di-tablan ng sibat at pana. Sa unang tingin, parang may katabaan, pero upon closer inspection, solid muscle ang buong katawan. May nag-iisang sungay na ipinangsusuro sa sino mang lumapit.
Naisip nila, ito na nga ‘yung nababasa natin sa mga lumang kuwento: Ang unicorn.
Gets mo? Hindi? Baka kasi hindi mo pa napapanood yung IG Live nina John Lloyd at Bea. Panoorin mo muna. Balikan mo na lang ito.
***
Pinanood ko ‘yung “Love Team,” directed by Antoinette Jadaone, a few days after it went live. Bagaman nakita ko sa Facebook feed ‘yung post ni Direk Toinette hinting na may niluluto siyang proyekto at “any resemblance to persons, living or dead, is intentional,” hindi agad pumasok sa isip ko ang koneksiyon. Hindi pa lumalabas ang statement nina Toinette kasama sina Erwin Romulo, Philbert Dy, Dan Villegas, at ng mga performers ukol sa “Unconfined Cinema.”
Pinanood ko ‘yung recording sa Youtube nang walang ibang assumption kundi usapan ito sa pagitan ng dalawang artista, na may sari-sariling buhay at kasaysayan ng pakikitungo sa isa’t isa. May punto, early into the piece, na kinutuban ako—na naramdaman kong not exactly natural ang usapan ng dalawa, na naisip kong parang may di-pangkaraniwang bigat ang pinag-uusapan nila. Pero nagpatuloy lang ako, willingly suspending my disbelief. Tapos inilabas yung gitara. Tapos nagkantahan. Tapos napansin ko dun sa bar sa ilalim na patapos na yung pinapanood ko, at halos inexpect ko na ang paggulong ng credits. Tapos nawasak ako.
***
May sinasabi ‘yung mga teacher ng panitikan: Once in a while, may lalabas na likhang-sining that taps into the zeitgeist, capturing the sentiments, anxieties, fears, hopes ng isang kulturang napapaloob sa isang partikular na panahon. Ganitong klaseng mga likhang-sining ang nagtatagal—parang mga sisidlan ng damdamin at karanasan ng isang kultura para makadaloy ito sa mga susunod na henerasyon. It becomes imbued with a culture’s collective memory—their trauma, and perhaps also their will. May kutob akong ganito mismo ang nasaksihan ko. Baka ‘yun ang dahilan ng pagkawasak ko.
Binabasahan ko ba nang sobra itong simpleng IG Live—which a lot of people, perhaps justifiably, would treat as nothing more than a simple conversation between two popular actors, that at times even seemed meandering? Siguro. Pero binabalikan ko ang mga tumakbo sa isip ko matapos manood:
‘Yung paggamit ng form ng isang conversation over great distances, using technology, dahil ito lang ang puwedeng gawin sa panahon ng COVID-19. ‘Yung pagsalamin sa yearning ng maraming taong puwersadong manatili sa loob ng bahay, na di mayakap o maka-high five man lang ang mga mahal nila sa buhay.
‘Yung pagtalakay sa frustrations sa government response from different vantage points—one, seemingly, from a “help however you can” perspective, at ‘yung isa, nanggagaling sa “kung epektibo ang mga sistemang panlipunan, hindi na dapat ito iniaasa sa private sector” na pagsipat. ‘Yung pagdapo sa usapin ng state violence, not from a partisan political space, pero mula sa espasyo ng empathy.
‘Yung resourcefulness ng isang grupo ng mga filmmaker na gumawa ng art sa panahong ang mga nakasanayang pamamaraan—paglabas sa kalsada para magshoot, for example—e napigil dahil sa isang massive, collective pause sa lipunan. ‘Yung paggigiit na, Hindi dapat tayo papigil, gawa pa rin tayo ng art.
‘Yung pagganap ng dalawang artistang bitbit ang buong kasaysayan nila bilang love team, in fact bilang the Love Team with a capital L and T; dalawang artistang gumanap bilang mismong sila, o bilang mga “sila” na sumasalamin sa perceptions ng madla ukol sa kanila.
‘Yung pangangahas na maging meta, maging self-referential, sa mismong pagganap na ito: “Pero hindi ko naman talaga kasi alam kung kilalala ba talaga kita,” sabi ni Bea, “Sino ka ba? Ikaw ba si John Lloyd Cruz? John Llloyd? Si Popoy? Ika ba si Idan? Si Lloydie? Ako rin hindi ko alam; sino ba ako…?” And in this manner, ang pag-jar sa atin into asking this of ourselves—sino ba talaga tayo? Higit pa ba tayo sa isang garapong naglalaman ng kolektibong pagtingin sa atin based on the selves we present to others, at ng relentless na pagsubaybay, paghanga, pagkamuhi, at pagsuri ng iba sa atin?
‘Yung paggamit ng social media bilang medium—the same social media na nagfu-fuel sa pagsubaybay, paghanga, pagkamuhi, pagsuri hindi lang sa mga karakter ng “Love Team,” hindi lang kina John Lloyd Cruz at Bea Alonzo bilang totoong tao, pero sa bawat isa sa ating may social media account na sumusubaybay, humahanga, namumuhi, sumusuri sa isa’t isa.
Pagkatapos kong maisip ang mga bagay na ito, tsaka ko lang naalala ‘yung tungkol sa kuwento ng mga Romanong nakaengkuwentro ng unicorn.
***
I’m almost certain na nabasa ko ‘yung unicorn anecdote kaugnay ng isang ideya: Na ‘yung experience natin ng mundo will always be bound by the language that already exists in our head. Narinig mo na ba ‘yung kuwento na, apparently, walang salita para sa blue ang maraming mga ancient civilization? The assertion being: People can’t see colors they don’t have a word for.
Parang yung nakitang hayop ng mga Romano. Unicorn ang nakita nila dahil ‘yun lang ang salitang angkop mula sa mga salitang nasa isip nila. Malay ba nilang rhinoceros ‘yun. Hindi pa nga naiimbento ‘yung salitang rhinoceros nu’n e.
Di ba magkahanay yung proseso ng pagbuo ng bagong salita sa pagbuo ng identidad na nakakabit sa mga pangalan? Ano ba ang salita kundi isang tumpok ng mga titik o tunog, na binigyang ibig-sabihin ng pagtawid ng pagkakaintindi ko sa mga tunog na ‘yun tungo sa iyo? Ano ba ang pangalan kundi ganu’n din? Sino ba si John Lloyd, sino ba si Bea, kundi ang kolektibong ambagan ng mga pagkakaintindi natin kung sino sina John Lloyd at Bea?
At ‘yun ‘yung nakakawasak du’n sa self-referential na dialogue na ‘yun. Artista, ama, kapatid, Popoy, Basha—nakikita natin ang dissonance sa dalawang tao, dalawang celebrity, na nagiging mulat sa katotohanang hindi lang silang mga may-ari ng pangalan ang nag-aambag sa ibig-sabihin ng mga pangalang ‘yun.
***
May kutob akong konektado dito ‘yung mga nabasa kong bahagyang backlash after nu’ng statement ng mga filmmakers. We were made to believe that it was truly them—the real John Lloyd Cruz and Bea Alonzo interacting with each other, giving the public a peek into who they really are, into how they really are with each other. Pinakilig tayo, pinaramdam sa atin ang gravitas of two old friends connecting with each other, pinahanga tayo sa depth nila—tapos hindi pala sila talaga ‘yun. Deception ‘yung madalas kong makitang salita.
Pero hindi ba talaga sila ‘yun? Who are we to say na hindi rin nila damdamin at kaisipan ‘yung nasaksihan natin? Weren’t they just reaffirming ownership of their names: Kami ito, tao kami, may agency kami na hubugin ang sarili naming mga identity?
Ako, I choose to see it as performative non-fiction. Inakda pero totoo. Itinanghal pero totoo. Totoo pero at the same time hinihimok tayong kuwestyunin kung ano ang totoo. Sa huli, ang nakita ko: Just two people trying to make sense of the world. Navigating through their frustrations, their anxieties, and ultimately finding anchorage in the connection they have as human beings. And in doing so, making me feel more deeply. Human still.
***
Lately, paulit-ulit kong nababasa ‘yung variations ng kaisipang ito: Sa panahon ng upheaval, ng uncertainty, ng suffering, ng crisis, lalong nagiging mahalaga ang art. Dahil sa art tayo bumabaling para mapaalalahanan na tao pa rin tayo—taong nakakaramdam ng yearning, ng empathy, ng impulse to connect sa kapwa tao. Art reminds us of our humanity.
Kaya nga sa tingin ko, moot na rin ‘yung usapin ng kung totoo ba o hindi ‘yung napanood ko, e. Naaalala ko tuloy ‘yung inuman namin dati ng isang kumpareng makata. One-on-one sa kuwarto niya habang nakikinig ng plaka at nagbubuhos ng mga pasakit sa buhay until we were both piss crying drunk.
At a certain point, tumigil kaming magkuwentuhan, at may isa sa aming nagsabi: Maaalala ba natin ito bukas? Paano kung hindi natin maalala? Nangyari pa rin ba ito?
At may tumugon: Baka hindi natin maalala kung ano ang mga pinag-usapan natin; baka hindi natin maalala ang eksaktong eksena; baka kuwestyunin natin kung totoo ba ang naganap dito. Pero sigurado akong maaalala nating may naramdaman tayo. Sapat na ‘yun, sining ‘yun, ‘yun mismo ang ikinasining ng sining, sa tingin ko.

