o Kung Paano Ako Nauwi sa Pagiging Ad Man
by Taks Barbin
Approx. reading time:
Ano’ng gagawin mo pagka-graduate mo? Ito ‘yung tanungan noon sa unibersidad; parang nanunukat kung anong klaseng tao ka. Sa unibersidad na pinanggalingan ko, kapag nagtrabaho ka sa korporasyon, o sa gobyerno, paldo ka– sell-out kumbaga. Nakaka-pressure tuloy. Kaya ang isasagot ng mga tinatanong ay panay ideyal na trabaho sa development sector gaya sa mga non-government organizations. Ni hindi sumagi sa isip ko na mapapadpad ako sa isang advertising agency. Marami sa mga kakilala ko ang tumuturing sa trabahong ahensya bilang aparato ng kapitalismo, rurok ng panlilinlang na nagtutulak sa mga tao na bumili, na maging konsumerista. Paano nga ba ako napunta rito?
Noong nasa unibersidad, itinuturing ko ang sarili bilang aktibista kahit di ako kasapi sa alinmang mga “pangmasang organisasyon”. Malay ako sa mga panlipunang usapin pero mas pinili kong maging politikal na anarkistang humahamon sa dogma ng pamahalaan at ng mga maka-kaliwang grupong gusto ding maging pamahalaan. Bukod sa pag-oorganisa ng mga ganap, naging advocate ako ng di-linyadong pagkatuto sa pamamagitan ng pagpapakopya at pagpapakalat ng mga zines. Nagsulat din ako ng mga sanaysay, pag-aaral, at fiction. Nakapangalap naman ako ng mga mambabasa sa mga sulating inilathala. Nakasungkit pa ng ilang gantimpala ang ilan sa mga ‘yon. Dahil sa lahat ng ito, nahirang ako bilang Natatanging Mag-aaral ng aking unibersidad. Bagay na nagpalakas ng loob kong makakahanap ako ng kaaya-aya at makabuluhang trabaho sa hinaharap.
Nang magtapos ako, hindi bababa sa 50 aplikasyon ang ipinadala ko sa mga unibersidad at mga NGO. Pero inabot ng mga buwan, iilan lang ang sumagot. Sa huli, walang tumanggap. Nabuhay ako sa pagtuturo ng wikang Filipino sa mga banyaga, at pagtugtog bilang kasapi ng grupong Kontragapi. Pero di ‘yon naging sapat kaya desperado na akong naghanap ng ibang trabaho. Isa sa mga unang tumugon ang IdeasXMachina Hakuhodo.
Tinuloy ko ang aplikasyon dahil nakita kong ilang taon nang nagwawagi ng mga gantimpala ang ahensyang ito. Bukod sa sunod-sunod na hinirang bilang Agency of the Year sa Timog-Silangang Asya, ilang beses din itong hinirang bilang ahensyang may pinakamahusay na work culture at talent development. Siguro dahil ito sa mga benepisyong ibinibigay nila sa mga empleyado gaya ng Date Your Parents, Love Life Benefit, Mental Strength Day, at Pa-Good Health Benefit. Nakapag-engganyo din sa akin ang mga inisyatibang ginagawa ng ahensya na may kinalaman sa sosyo-politikal na sitwasyon ng lipunan. Halimbawa ang paglulunsad ng Katipunan Fonts na ipinagamit sa mga progresibong grupo. Ineengganyo din ng kompanya na magsagawa ang mga empleyado ng mga inisyatiba ayon sa kanya-kanyang adbokasiya o hilig. Higit sa lahat, naging kaiga-igaya sa akin ang Work From Home setup nila na angkop para sa mga pamilyado, mga nagtutuloy ng pag-aral, at may iba pang adbokasiyang pinagkakaabalahan. Marahil, lahat ng ito ay bahagi ng prinsipyo ng seikatsusha na pinaiiral ng kompanya, ang prinsipyo ng nagtuturing sa mga empleyado, kliyente, at consumer bilang mga taong may emosyon, hinahangad, at patuloy na nagbabago.
Nang makapasok na ako, namulat ako sa lawak at lalim ng epekto ng advertising sa mga tao. Mga bagay ito na hindi ko nakitang nagawa ng alinmang progresibong nakasalamuha ko. Sa pagsaliksik ng mga ads sa lokal at global, nakita ko kung paanong ang mga patalastas ay nakapagpapabago ng isip. Walang masama sa maliliit na inisyatibang ginagawa ko noon. Pero kung kaya kong palawigin pa ang mga adbokasiya, bakit nga ba hindi? Sa panahon ng mga napakalaking problema gaya ng Pagbabago sa Klima, kailangan din natin ng malawakang mga solusyon na may epektong mararamdaman ng marami. Hahayaan na lang ba nating gamitin ang kapangyarihan ng mga patalastas sa pagbebenta ng mga produkto, o magagamit din natin ito sa panlipunang pagbabago? Halimbawa, pwede sigurong gamitin ang mga natutunan ko sa advertising sa pagsasa-popular ng wikang Filipino, na inaasam ng binuo kong grupo na Teach Me Tagalog.
Maaaring ipagkibit-balikat ng mga dating kakilala ang pagbabahagi kong ito bilang pagdadahilan ng pagpasok ko sa buhay-ahensya. Pero para sa akin, ang organisasyong naghahaya sa akin na tugunan ang pangangailangan ng sarili at ng aking pamilya, habang hinahayaan akong ituloy ang mga panlipunang adbokasiyang mahalaga din sa akin, ‘yan ang organisasyong pipiliin kong ugatan ng aking mga paa, at pagyabungan ng aking mga kamay.
Para sa mas bagong analohiya, sa daigdig kung saan nagmimistulang makina ang mga tao, pwede tayong maging mga makinista. Imbes na maging bahagi lang ng makina, maaaring tayo ang magdikta sa direksyong pupuntahan na ating mga likha.
Si Taks Barbin ay isang manunulat, perkusyonista, nag-aasam na anarkista, at boluntaryo para sa mga organisasyong panlipunan at pangkalikasan. Nagtapos siya sa kursong Malikhaing Pagsulat sa Filipino sa Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman, at kasalukuyang kumukuha ng masteral sa Araling Asyano na may tuon sa rehiyon ng Timog Silangang Asya. Patuloy siyang tumutugtog bilang kasapi ng UP Kontemporaryong Gamelan Pilipino (Kontragapi), at nagboboluntaryo para sa 350 Pilipinas. Siya ang nagtatag ng Safehouse Infoshop na nagpapalaganap ng mga lathalaing anarkista, at Teach Me Tagalog na isang pribadong sentro para sa pagtuturo ng wikang Filipino. Siya ang tumatayong Copywriter para sa Understory sa ilalim ng IdeasXMachina Adverstising Inc.
JournalIXM by IXM Hakuhodo accepts and offers modest compensation for unsolicited short essays. We also publish short comic strips and reflections set to illustration. While we prefer pieces that deal with creativity and the creative industries, we remain generally open in terms of theme. Submit in pdf with a short bionote at shark.maitland-smith@hakuhodoph.com.

