Expert na Pangangampanya sa Panahong Lahat, Expert sa Pangangampanya

Part of Signal from the Noise, JournalIXM by IXM Hakuhodo’s series on electoral communications. Read the previous drops here.

by Yol Jamendang

Approx. reading time:

4–6 minutes

Humuhugot sa maraming disiplina ang pangangampanya – mula political science, advertising, community organizing, data analytics, information design, hanggang psychology at logistics, may insight na magagamit para maging mas epektibo ang pagpapakilala sa kandidato at sa kanyang plataporma.


Dahil dito, hindi maiiwasan (at hindi mapipigilan) na ang mga taong may iba’t ibang disiplinang pinanggagalingan, may masasabi sa tuwing panahon ng kampanya. Isama mo sa usapan ang ability ng mga tao na magpahayag ng opinyon sa social media, at hindi na matatapos ang pagbuhos ng opinyon tungkol sa kung paano dapat at hindi dapat mangampanya.

 
Paano ireresolba ang pagkakaiba ng mga opinyon nang hindi nasisiraan ng bait? Paano magdedesisyon sa harap ng napakaraming variable na kailangang isa-alang-alang? Ano at sino ang dapat pakinggan, at ano naman ang puwedeng sagutin na lang ng “noted” bago dumiretso sa tunay na dapat pagkaabalahan?


Sa tingin ko: pinakamahalaga ang awareness sa napaka-espesipikong konteksto ng pangangampanya. May mga bagay na established knowledge sa ibang gawain, pero dapat pag-isipan nang mabuti sa konteksto ng isang political campaign.


1. Kailangang tandan: Hindi hotdog (o shampoo, o gamot sa ubo, etc.) ang ikakampanya.

May personalidad at tendencies ang isang kandidato na hindi basta malulutas ng talking points. Napapagod siya at nagugutom; hindi kagaya ng hotdog na puwede mong pagbali-balikatrin maghapon sa lighting at location na ikaw ang pumili.

Puwedeng gumawa ng script, puwedeng mag-edit at maglagay ng music, pero may limitasyon ang mga ito: magkakaproblema sa authenticity kung ipipilit ang hindi naman keri ng kandidato.

Kaya mahalaga ang pakikipag-usap sa kanya, ang pagtukoy sa kanyang comfort level, ang mahusay na pagpapaliwanag kung bakit kailangang gawin ang mga bagay-bagay. Tapos kung may mga bagay na hindi talaga kaya, punuan na lang gamit ang ibang paraan na hindi nangangailangan ng direct participation ng principal.


2. War footing ang pangangampanya, hindi katulad ng ibang advertising at information dissemination contexts.

 
Ibig sabihin, kailangan palaging mag-proceed nang may pagpapalagay na may heavy resistance na sasalubong sa kampanya. Maglalabas ng counternarrative ang kalaban. Hihirit ang mga observer sa social media at mga barberya. May ipo-post ang campaign na “official” coverage, pero magpo-post din ang ibang taong may sariling pictures at videos ng event, at hindi palaging beneficial sa kampanya ang mga post na ganito. Minsan nga, puwede pa itong i-weaponize. May reporter na magtatanong ng tanong na nasagot na, o tanong na ayaw mong itanong sa principal. May main character na magmamagaling sa comments section. May susulat ng open letter; may gagawa ng thread sa X “out of concern” sa campaign.


Ito ang dahilan kung bakit kailangan ng specific na talking points para sa mga espesipikong usapin—pinili nang mabuti ang wording, para bukod sa naide-deploy ang messaging, may proteksiyon laban sa editing, at sa mga pilosopo, at sa mga mahina ang comprehension.


Ito ang dahilan kung bakit merong “sweepers” ng lahat ng content at statement at PR bago sila ilabas—fresh eyes na tumitingin sa mga materyal para mahuli ang mga potential na magamit para saktan ang kampanya.


Ito rin ang dahilan kung bakit kailangan ng close coordination sa mga community at organizers. Nakalatag na ang guidelines bago pa mangyari ang event para mabawasan ang stress sa big day.


Pag war time, kahit naman anong gawin ng kampanya, merong aatake. Pero mabuti na yung hindi sa kampanya directly manggagaling ang bala na gagamitin ng kalaban.


3. Panliligaw ang pangangampanya.


Marami akong nakikitang kampanya na nakakalimot sa katotohanang ito. Gusto nilang magturo. Gusto nilang itaas ang diskurso. Gusto nilang manindigan para sa kanilang pinaniniwalaan.


Lahat ng iyan, magagawa nang pinakamahusay ng isang kandidato at ng kanyang organisasyon KAPAG NANALO NA SIYA. Pero habang nangangampanya pa lang, ang kailangang gawin, una sa lahat, ay manligaw sa mga botante. Malinaw na malinaw ito: Hindi ka nila pakikinggan, hindi ka nila ipaglalaban, at lalo namang hindi ka nila iboboto kung hindi ka nila gusto.


Ang puso naman daw talaga ng tao ang nagpapasya. Naghahanap lang ng paliwanag ang utak kapag nagawa na ng puso ang desisyon. Kaya puso ang kausapin mo kapag nangangampanya, wag ang utak. Manligaw, imbes na magturo.


4. “Instagrammable” dapat ang kampanya.


Kasama dapat sa pagpaplano ng mga event, interview, multisectoral meetings, palengke run, etc. ang content na makukuha mula sa mga ito. Ano ang powerline ng speech/statement para sa quote card na ipopost pagkatapos ng event/interview? Saan dapat nakatayo ang kandidato kapag nilapitan siya ng press? Sa mangyayaring event, ano ang gugustuhing kunan ng picture at video ng mga supporter na dadalo? Ano ang key moment na dapat makunan ng mga camera man at videographer, etc.?


Kailangang tandaan na madaling gawin ito para sa produkto, o sa event na may mga artistang trabaho ang umarte. Para sa isang kandidato na public service ang background, kailangan nito ng mahusay na pagpaplano, at staff and crew na alisto sa paghuli ng instagrammable moments.


Maraming nakataya sa isang eleksiyon. Hindi rin ito matatakasan lalo na kapag nagsimula na ang campaign period. Kaya natural lang na maraming gustong mag-share ng kanilang opinyon, batay sa kanilang expertise o sariling punto de bista. Kailangan lang tandaan na may mga espesipikong konsiderasyon para sa isang political campaign, at dapat i-modify, bago tanggapin, ang mungkahi ng mga eksperto at well-meaning na supporter.

Si Yol Jamendang ay guro ng panitikan at kulturang popular sa Ateneo de Manila University. Nagtrabaho rin siya bilang speechwriter at communications consultant sa 2016, 2019, at 2022 national elections.

Leave a comment