Wasallam! Sina Romeo at Juliet sa Kapuluan!

Personal na Rebyu sa Dulang Sintang Dalisay ng Tanghalang Ateneo

by Taks Barbin

Approx. reading time:

3–4 minutes

Paano nga kung nangyari ang kwento nina Romeo at Juliet sa mga isla ng Timog Mindanao? Sa re-imahinasyong ito tayo dinadala ng Sintang Dalisay ng Tanghalang Ateneo at ng yumaong direktor nito na si Dr. Ricardo Abad. 

Maswerte akong naging bahagi ng produksyong ito bilang musikero sa unang run noong 2011. Naging extra pa nga ako sa isa mga run. Nagkaroon tuloy ako ng pagkakataong subaybayan ang pag-unlad ng produksyon. 

Noong una, tiningnan ko bilang raket ang paglahok ko sa produksyong ito. Estudyante pa (din) ako noon, kaya naman kahit anong pwedeng pagkakitaan, pinapasok ko. Nang lumaon ko lang naisip na malaking karangalan pala ang maging bahagi nito. 

Noon, ang UP Kontragapi ang naghandog ng musikang mala-gamelan at sound effects na maririnig sa bawat kilos ng mga aktor. Sa run ngayon, Anima Tierra ang gumawa nito, ngunit pinangunahan pa rin ng mga myembro ng Kontragapi na sina Jayson Gildore at Rhea Dagnalan. Walang alisan sa buong durasyon ng dula ang mga musikero. Kaya kung tutuusin, kami ang may pinakamahabang exposure. Makalipas ang ilang taong pagiging musiko, alam na namin kahit ang mga linya ng mga aktor. Ang mga salita at pariralang hindi namin gaanong naiintindihan noon gaya ng “kaimbian”, “habag”, “inutas” , “wasallam”, ay ginagamit na namin nang palasak sa mga biruan. Nitong huling run, wala nang gaano binago sa libretto. Kaya naman habang nanonood, hindi ko napigilang sabayan ang marami sa mga linya. Naiinis nga yata ang mga katabi kong nanonood. 

Isa sa madali kong naalala ang eksena sa balkonahe sa pagitan nina Rashidin at Jamila kung saan kinilig ang maraming nanood. Noong aalis na si Rashidin matapos suyuin si Jamila, muling sinambit ni Jamila ang pangalan ng sinisinta. Nang tanungin kung bakit niya tinawag si Rashidin, ang sagot niya: “Nakalimutan ko na kung bakit kita tinawag.” “Kung gayon, hayaan ako dito habang ginugunita mo,” sagot ni Rashidin. “Lalo kong lilimutin,” ang sabi ng dalaga. Naalala ko tuloy ang iniisip ko dati, na kung magkaroon man ako ng pag-ibig, dapat kasing cheesy iyon ng pag-ibig ni Rashidin. Dapat kasing tamis ng pag-iibigan nila ni Jamila. 

Isa pang kabanggit-bangit ang mga eksena ng labanan kung saan armado ang mga mandirigma ng mga kampilan at keris. Simula pa lang, may labanan na sa pagitan ng dalawang angkan. Nauudlot lamang ito sa pagdating ng Lakan. Kalaunan, di na napigilan ang sumunod na mga pagkakainitan. 

Nakakadalà ang mga labanang ito dahil sinaliwan ng mabigat na musika ng tambol. Kapansin-pansin rin ang mga kilos na inspirado ng Igal at Silat. Bilang mga musikero, intense din para sa amin noon ang mga labanang ito dahil kailangan naming sabayan ng matitinis na hataw sa metal ang pingkian ng mga sandata. Pagkatapos ng bawat engkwentro, para na din kaming napagod sa pakikipaglaban sa kulintang, gangsa, at agung.

Ang dami kong natutuhan sa produksyong ito. Halimbawa, ang lunan ng dula na Sampoerna, kalaunan ko na lang nalaman na totoo palang lugar sa Borneo. Sa isang eksena rin, kinailangan ni Rashidin na maglayag gamit ang kumpit, isang uri ng bangka. Nalaman ko dahil dito na marami palang klase ng bangka ang mga ninuno natin. Bukod sa kumpit, nariyan ang balangay, karakoa, vinta, at paraw. Itinulak ako ng dula ito na aralin pa ang sariling kasaysayan.

Marami nang ipinalabas na dula ang Tanghalang Ateneo pero mas matindi ang hamon ng pagsasakatutubo ng banyagang dula. Ang pagsasakatutubong ito ang nagpatingkad sa ambag ng produksyong ito. Malamang ito ang dahilan kung bakit ginawaran ang dula ng maraming parangal, kung bakit dinala ito sa iba’t ibang bahagi ng kapuluan, hanggang sa ibang bansa gaya ng Malaysia, Taiwan, Vietnam, at Belarus. Pinatutunayan ng pagsasakatutubo gaya nito na hindi lang basta tinatanggap ng mga tao ang inihahain sa kanila, bagkus inaangkin nila ito at ginagawang sarili, para punan ang mga sariling pangangailangan at panlasa.

Photos from Areté Ateneo

Leave a comment